Archive for the Fiction Category

Ayan, Nasabi Ko Na… Mahal Kita

Posted in Fiction on October 22, 2008 by niennavarda

At minsan ko na nga lang gagawin ang ganitong klaseng bagay sa buhay ko, di ko pa linubus-lubos. Ano ba naman yung pagkatapos kong sabihin ang nararamdaman ko ay bigla na lang akong nagsisitakbong palayo. Ni hindi ko man lang hinintay ang sasabihin mo. O kung wala ka mang sasabihin sana tiniis ko na lang ang pagkabog ng dibdib ko, ang pangangatog ng tuhod ko para aralin kung ano ang ibig sabihin ng ngiting napintura sa mukha mo pagkatapos kong magsalita. O kaya, sana tumitig na lang ako sa mata mo at baka nakahanap pa ako ng kahit konting ideya kung ano ang nilalaman ng isip mo. Pero hindi. Hindi ko yun nagawa. Napakaduwag ko.

Hindi ko rin alam kung bakit huhugot na rin lang ako ng lakas ng loob mula kung saan mang kaibuturan ng pagkatao ko, hindi ko pa inayos ang pagdeliver ng speech ko. Ewan ko ba. Nung pina-practice naman namin yan ng kaibigan ko nung gabi bago ang tinakdang araw, cool naman ang dating ko, parang whatever lang. Pero hindi ko talaga alam kung bakit nang nagsalita na ako sa harap mo, nauutal na ako, naghy-hyperventilate at daig ko pa ang nagkaroon ng severe allergic reaction sa pakiramdam ng pagkakapal ng dila ko. Yan tuloy, ang jologs ng speech ko. Ang jologs-jologs ko. Cool pa naman ako. Well, sabi ng iba at minsan feeling ko rin papasa na. Pero hindi ako cool kung nandiyan ka. Nagsho-short circuit ang utak ko. Kaya siguro mula nang makilala kita ang dami nang sumabog na neurons ko. Oo at ganun din ang pakiramdam ko, isang powered-on circuit board na binuhusan ng malamig na tubig.

At bakit nga ba, magtatapat na rin lang ako hindi ko pa ninamnam ang pagpapadulas sa dila ng mga salitang nagmamahal ako. Sana sinabi ko na rin na mula nang matuklasan kong mahal kita, napukaw ang damdamin kong paghusayan ang lahat ng ginagawa ko, ayusin ang buhay ko, iwanan ang mga bisyo ko, maging isang mabuting tao at maging magaling katulad mo. Pero milliseconds lang ata ang inabot ng lahat. Nagmamadali akong lumayo. Hindi ko kaya ang titig mo. Lalo kaya’t hintayin ang sasabihin mo.

At ngayon, tapos na. Nakapagsabi na ako. Nasabi ko ring hindi ko kailangan ang sagot mo. Hindi ko kailangan ng sagot at hindi ako nagaantabay. Hindi ko lang siguro maalis sa utak ko kung ano ang nasa isip mo. Manghuhula na lang siguro ako o mag-aantay. O di kaya palilipasin ang panahon hanggang mawala ito. Kung mawawala nga ito. Ang mahalaga, ayun, nasabi ko na… mahal kita. At least ngayon alam mo na.

Advertisements